LEGAZPI CITY – Hindi pa magpapatupad ng evacuation ang provincial government ng Albay sa kabila ng nangyaring phreatic erruption sa Bulkang Mayon.
Kahapon ng magbuga ng makapal na usok na may abo ang bulkan na sinabayan pa ng malakas na dagundong na rinig ng mga residente malapit sa paanan nito.
Subalit nananatili pa rin na sa alert level 2 ang status ng bulkan kung kaya hindi pa kailangang magpalikas ng mga residente.
Sa panayam naman ng Bombo Radyo Legazpi kay Joshua John Sanchez ang Operation Section Head ng Daraga Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council, matapos ang phreatic erruption agad na nagsagawa ng inspeksyon ang kanilang team kung saan ipinagpapasalamat nito na wala namang naitalang pinsala sa bayan.
Pinayohan ng opisyal ang mga residente na magsuot ng face mask sakaling muling magkaroon ng phreatic erruption ang bulkan at iwasan pa rin ang pagpasok sa 6km permanent danger zone.
Tiniyak naman ni Sanchez na nakahandang rumesponde ang lokal na gobyerno sakaling lumala pa ang aktibidad ng bulkan.