CENTRAL MINDANAO-Nasa 950 na mga magsasaka sa mga bayan ng unang distrito ng Cotabato ang nakatanggap ng iba’t ibang farm inputs mula sa pamahalaang panlalawigan.
Layon ng pamamahagi nito na maibsan ang production cost sa kanilang produkto upang mas mapalaki pa ang kita ng mga magsasaka sa probinsiya.
Mula sa naturang bilang, 700 sa mga ito ay mula sa bayan ng Alamada at Libungan na nakatanggap ng isang sakong hybrid corn seeds bawat isa habang ang 250 naman ay mula sa Pigcawayan kung saan nakatanggap ang mga ito ng kabuoang 100 sacks ng rice seeds, 200 sacks ng hybrid corn seed at 300 sako ng abono.
Laking pasasalamat naman ng mga benepisyaryo sa patuloy na pagbibigay tulong ng provincial government sa kanila lalo pa at, maliban sa COVID-19 pandemic, apektado ang bentahan nito sa merkado dahil sa pagpapatupad ng Rice Tariffication Law o RTL.