-- Advertisements --

LEGAZPI CITY- Nagpadala na ang provincial government ng Sorsogon ng team na reresponde sa mga residenteng apektado ngayon ng ashfall mula sa sumabog na Bulkang Bulusan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Dong Mendoza ang tagapagsalita ng provincial Government ng Sorsogon, nasa Juban na ngayon ang mga tauhan ng MDRRMC na nagbibigay ng tulong sa mga residente.

Subalit taliwas sa kanilang inaasahan, halos kalmado lamang umano ang karamihan sa mga residente pagdating ng kanilang team dahil sanay na ang ito sa mga pag-aalburuto ng bulkan.

Kasama rin sa mga ipinadala ang team ng Bureau of Fire Protection (BFP) na kasalukuyang nagbobomba ng tubig sa mga lugar na binagsakan ng mga abo na mula sa bulkan.

Rumesponde rin ang team sa ilang maliliit na aksidente sa kalye na naganap matapos na mabalutan ng makapal na abo ang mga daanan.

Wala naman umano ang seryosong nasaktan sa insidente at pawang nagtamo lamang ng galos ng mawalan ng balanse at matumba sa kanilang mga sasakyan.

Ipinagpapasalamat na lang din ng opisyal na halos lahat sa mga residente ay nakasuot na ng face mask ng mangyari ang insidente kung kaya hindi gaanong naging problema ang ashfall.