LEGAZPI CITY-Naghahanda na ang provincial government ng Albay sakaling itaas pa ang alerto ng Bulkang Mayon na kasalukuyang nasa level 2.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Albay Governor Grex Lagman, may mga nakahanda ng family food packs ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) Bicol na ipapamigay sa mga residenteng maaaring maapektohan ng aktibidad ng bulkan.
Inabisohan na rin ang mga local government units na magbantay sa kanilang mga nasasakopan lalo na sa mga lugar na malapit sa paanan ng bulkan, habang maaari ring magbigay ng mga face mask sakaling magkaroon ng ash fall.
Sa ngayon ay wala pa namang pinapalikas na residente, subalit agad umanong magpapatupad ng pre-emptive evacuation sakaling itaas pa sa 3 ang alert level.
Nilinaw naman ng gobernador na base sa kanyang pakikipag-ugnayan sa Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ay wala pa namang nakikitang posibilidad na itataas muli ang alert level.