CAUAYAN CITY – Nagkaloob ng financial assistance ang pamahalaang lokal ng Conner at pamahalaang panlalawigan ng Apayao sa mga biktima ng pagkahulog sa bangin ng isang truck sa Gassud, Karikitan, Conner, Apayao na nagbunga ng pagkasawi ng 19 katao habang 22 ang sugatan.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Municipal Disaster Risk Reduction Management Officer (MDRRMO) Albert Bacuyag ng Conner, Apayao na bagamat karamihan sa mga biktimang nasawi ay taga-Rizal, Cagayan at iisa lamang ang residente ng Allangigan, Conner ay nagkaloob na ng tulong si Mayor Martina Dangoy ng Conner, Apayao.
Sinagot na rin ni Governor Eleanor Bulot Begtang ng Apayao ang lahat ng gastusin sa ospital ng mga nasugatan maging ang funeral expenses ng mga nasawi.
Nakipag-ugnayan din si Mayor Dangoy sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa Cordillera Administrative Region (CAR) para mabigyan ng karagdagang tulong ang mga biktima.
Matatandaang overloading ang tinitingnan sanhi ng aksidente dahil bukod sa 44 na tao ay may sakay pa na 43 na bags ng binhi ang elf truck kaya nahirapan sa paakyat na bahagi ng daan.
Umatras ito pababa at nahulog sa 20 metro na lalim ng bangin.