-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Sa tuluyang pagbabalik ng face-to-face classes sa mga paaralan maging sa mga day care centers, nagsagawa ang pamahalaang panlalawigan ng inisyal na distribusyon ng hygiene kits para sa daycare children na nasa malalayong barangay sa probinsiya.

Unang nabiyayan ng maagang pamasko ang 102 pre-schoolers mula sa daycare centers ng Brgy. Del Pilar, Magpet at Brgy. Sto. Nino Proper at Brgy. Sitio Valencia ng Arakan.

Ang nasabing aktibidad ay ayon na rin sa direktiba ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza sa ilalim ng layunin nitong masiguro ang proteksiyon ng mga mag-aaral at ang kanilang kalusugan.

Ayon sa impormasyon mula sa Provincial Social Welfare and Development Office, bawat kit ay nagkakahalaga ng isang libong piso (P1,000.00) na kinabibilangan ng alcohol, bath towel, face towel, soap, face mask, toothbrush at toothpaste, at iba pa.

Ang inisyal na pamamahagi ay ginawa nitong Setyembre 20-21, 2022 na pinanguhan ni Sanagguniang Kabataan Provincial Federation President Sarah Joy L. Simblante bilang kinatawan ni Gov. Mendoza kasama ang mga lokal na opisyales ng barangay.