Pinakilos na ng provincial government ng Pampanga ang lahat ng mga alkalde na mag-inspeksiyon sa mga bahay-bahay para galugarin ang mga ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) hubs sa kanilang mga lokalidad.
Ayon kay Pampanga Vice Governor Lilia Pineda, umiikot na ang mga awtoridad sa kanilang mga lokalidad simula pa noong Linggo.
Ang naturang kautusan aniya para sa house-to-house inspection ay inilabas bago pa man lumabas ang intel report ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) na nakadiskubre ito ng mga small-scale scam hubs sa bayan ng Mexico at Bacolor sa Pampanga.
Sinabi din ng Ikalawang Gobernador na lahat ng alkalde sa Pampanga ay tutol sa operasyon ng POGO.
Kaugnay nito, maglalabas ang pamahalaang panlalawigan ng resolusyon na nagbabawal sa lahat ng POGO sa lalawigan sa darating na araw ng Biyernes sa huling pagdinig ng Sangguniang Panlalawigan.
Ayon sa bise gobernador, iimbitahan din nila ang Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) para magbahagi ng datos kung anong mga POGO ang nabigyan ng lisensya.
Una rito, nasagip ng mga awtoridad ang mahigit 150 foreign nationals mula sa ni-raid na 10-ektaryang POGO compound na may mga ilegal na aktibidad sa Porac, Pampanga.