-- Advertisements --

(Update) ILOILO CITY – Hinihintay pa ngayon ng General Services Office (GSO) ng Iloilo Provincial Capitol ang paliwanag ng isang security guard matapos ginahasa umano ang isang masahista sa loob ng kapitolyo.

Ang suspek ay kinilalang si Prison Guard II Roen Ledesma at ang nagrereklamo namang masahista ay kinilala lamang sa alyas Jane, 45.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Iloilo kay Aaron Raymundo, head ng GSO, nakita sa closed circuit television (CCTV) camera si Ledesma na kinuha ng palihim ang susi upang buksan ang opisina ni Board Member Nielo “Bong-Bong” Tupas sa 6th floor ng Iloilo Provincial Capitol.

Sa nasabing opisina umano nangyari ang panggagahasa sa sa masahista.

Paliwanag ng masahista, naligo pa umano ang gwardya bago niya ito minasahe hanggang sa mangyari ang panggagahasa.

Tumagal naman ng mahigit sa isang oras ang pananatili ng gwardya at ng masahista sa opisina ng board member.

Sa ngayon, naka-on leave na ang nasabing gwardya at wala na rin sa kanyang bahay.

Sinisikap naman ng Bombo Radyo na kunan ng pahayag ang inireklamong gwardya na nahaharap sa kasong rape.