Kinumpiska ng pinagsanib na pwersa ng Provincial Mining Regulatory Board at PNP ang truck na punong puno ng mga bato na umano’y pag aari ng lokal na pamahalaan dahilan sa pagkakaaresto sa driver nito at helper sa Brgy. Concepcion Pinagbakuran, Sariaya Quezon.
Sa report ni Quezon police director Col. Ledon Monte sa kampo krame, sinabi nitong naharang ang mga suspek ng pinagsanib na pwersa ng PMRB at Sariaya police station habang binibyahe ang 18 cubic meter na mga bato.
Ani Monte, nang kwestyunin ang mga suspek, sinabi nila na itatambak ang mga bato sa Brgy. Sampaloc 2 kung saan itinatayo ang bagong gusali ng Sariaya, subalit bigo silang makapagpakita ng permit sa mga otoridad.
Sa ngayon, nahaharap ang mga suspek sa paglabag sa Order Declaring a Moratorium on Quarry Operations in the Municipality of Sariaya na iinisyu ni Quezon Governor Angelina Tan noong April 29.
Ang kautusan ni Gov. Tan na magkaroon ng moratorium sa lahat ng quarry operations sa Sariaya ay para magbigay daan sa komprehensibong pag aaral na gagawin ng provincial government of Quezon at DENR.
Sa ilalim ng kautusan, lahat ng quarry permit na inisyu ng provincial government ng Quezon sa Sariaya ay pansamantalang suspendido.
Ang sinumang lumabag sa kautusan ay maaaring bawian ng quarry permit .