-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Mistulang nabunutan ng malaking tinik si Aklan Provincial Director P/Col. Crisaleo Tolentino matapos na ipahayag ang kanyang bahagi sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Order.

Sa kabila nito, nananatili pa rin ang kanyang pagkabahala sakaling gumawa na naman umano ng mga gawa-gawang kuwento ang kampo ni Pamplona Mayor at biyuda ni Gov. Roel Degamo na si Janice Degamo.

Sa isang press conference, sinabi ni Col. Tolentino na nakahinga na siya ng maluwag at umaasang malilinis ang kanyang pangalan.

Dahil umano sa isyung ibinato sa kanya, nadamay pati ang kanyang pamilya.

Giit nito na naniniwala siyang pawang fabricated ang mga akusasyon laban sa kanya dahil kung may katotohanan umano ang mga ito ay matagal na sana siyang nasampahan ng kaso.

Dagdag pa na sa kasagsagan ng isyu ay na-promote pa siya bilang full-pledge colonel noong panahon ng Duterte administration.

Matatandaan na nagbitaw ng mga mabibigat na akusasyon si Mayor Degamo laban kay Col. Tolentino sa hearing ng senado kaugnay sa Degamo slay case.

Isa dito ang pagkakasangkot diumano nito at ng kanyang asawang si dating councilor Ma. Victoria Luz Montesa Tolentino sa pagkamatay ni Bongbong Divinagracia at sa pagkakabihag kay Police Executive Master Sergeant Reuel Piñero sa Negros Oriental.