CENTRAL MINDANAO-Pinangunahan ni Cotabato Governor Emmylou “Lala” J. Taliño-Mendoza ang isinagawang Memorandum of Agreement Signing and Orientation ng mga bagong iskolar ng pamahalaang panlalawigan ng Cotabato na ginanap PNP Headquarters Gymnasium, Amas, Kidapawan City.
Abot sa 481 na mga bagong iskolar mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan na nakapasa sa eksaminasyon noong Abril ang lumagda sa nasabing MOA matapos itong sumailalim sa isang oryentasyon.
Pagkatapos ng kanilang paglagda ay agad naman nilang natanggap ang kanilang P6,000 allowance para sa 1st semester na may kabuoang halaga na abot sa P2,886,000 na kanilang magagamit sa kanilang mga pangangailangan sa paaralan.
Sa kanyang mensahe, sinabi ni Governor Mendoza sa mga iskolar na pagbutihin nito ang kanilang pag-aaral upang makapagtapos at makatulong sa kanilang mga pamilya.
Dagdag pa nito, na ang pamahalaang panlalawigan ay handang tumulong at magbigay ng suporta sa mga poor but deserving students na nangangailangan ng tulong.
Ang nasabing aktibidad ay sinaksihan din nina 3rd District Congresswoman Ma. Alana Samantha Taliño-Santos, Board Members Ryl John C. Caoagdan at Joemar S. Cerebo, Provincial Scholarship Program (PSP) Coordinator Jayde Ferolin, Provincial Development Youth Officer Designate Nikko Adrian Perez at mga kawani ng Provincial Treasurer’s Office na siyang namahagi ng nasabing allowance.