-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya sa Surigao City, may kaugnayan sa pagbaril kay Dinagat Island Provincial board member Wenefredo Olofernes.

Naganap ang krimen kaninang alas-7:00 ng umaga sa national highway, Km-2, Barangay Luna sa Surigao City.

Ayon kay Police Lt. Col. Randy Amaru, hepe ng Surigao City Police Station, pauwi na sana ang biktima sa kanilang bahay sa Km-3, Barangay Luna sa nasabing bayan, matapos nag-ehersisyo sa provincial gym kasama ang kaniyang live-in partner sakay ng single motor na kulay dilaw.

Ngunit bigla umanong may nag-overtake sa kanila na single motor, Honda Wave black, at nagpaputok ng dalang pistola ang angkas nito ng isang beses.

Natamaan sa ulo ang board member, dahilan ng kanilang pagkatumba.

Mabilis tumakas ang suspek na riding-in-tandem sa hindi matukoy na direksyon habang ang biktima ay dinala naman sa Caraga Regional Hospital ngunit dineklarang itong dead on arrival.

Nabatid mula sa hepe na walang natatanggap na banta sa buhay at wala ring kaaway ang biktima, base sa pahayag ng kaniyang live-in partner kaya lubos na lamang itong nabigla sa pangyayari.

Napag-alaman na si Olofernes, 52-anyos, ay nasa kaniyang ikalawang termino na bilang provincial board member.

Tumakbo ito sa nakaraang election bilang independent at nanguna bilang board member sa unang distrito sa lalawigan ng Dinagat Islands.