NAGA CITY – Nilinaw ngayon ng provincial government ng Camarines Norte na walang katotohanan ang mga kumakalat na balita na may biktima na ng novel coronavirus sa naturang lalawigan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Naga kay Atty. Don Culvera, provincial legal counsel ng Camarines Norte, sinabi nitong una nang kumalat ang mga balita na may isang dayuhan na galing sa China at isang negosyante sa Daet ang nahawaan na ng nCoV.
Ayon kay Culvera, nagpalabas na rin ng mensahe ang pamunuan ng isang ospital na sinasabing tinakbuhan ng nasabing mga biktima na walang katotohanan ang naturang mga balita.
Maliban dito, maging ang negosyante na napabalita ay nagpalabas na rin ng pahayag kung saan plano umano nitong magsampa ng kaso sa nagpakalat balita na nagdala ng negatibong bagay sa kanya.
Kaugnay nito, tiniyak ni Culvera na walang dapat na ipangamba ang mga mamamayan sa CamNorte dahil fake news lamang ang naturang mga balita.
Nanawagan din ito sa publiko an huwag nang magpapakalat ng mga hindi totoong impormasyon na nagdadala ng pangamba sa mga mamamayan.