LEGAZPI CITY – Namahagi na ng tulong-pinansyal ang provincial government ng Albay sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office (PSWDO) sa pamilya ng mga namatay sa pagkahulog ng jeep sa bangin sa Brgy. San Jose, bayan ng Libon.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PSWDO chief Eva Grageda, may ordinansa sa burial assistance kung saan nagbibigay ng P5,000 sa namatayang pamilya sa aksidente na wala namang naghangad na mangyari.
Nakipag-ugnayan na rin si Grageda sa mga lokal na gobyerno upang maibigay ang nasabing halaga.
Samantala, ni-locate na rin ng tanggapan ang iba pang mga nasugatan sa aksidente para sa medical assistance at iba pang tulong sa gastos sa ospital.
Hangad nito na mabawasan kahit papano ang sakit na nararamdaman ng mga pamilya sa nangyari.
Sa kabilang dako, nagbaba na rin ng preventive suspension ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) laban sa operator ng jeep na sangkot sa aksidente.
Matatandaang 10 ang namatay sa naturang aksidente kabilang na ang principal at dalawa pang guro habang seryosong sugat naman ang tinamo ng ilan pa.