CAUAYAN CITY- Nakatakdang maglabas ng kautusan ang Prov’l Gov’t. ng Batanes may kaugnayan sa pagsasailalim sa Enhanced Community Quarantine o Modified Enhanced Community Quarantine ng lalawigan matapos na maitala ang unang kaso ng COVID-19 positive.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PDRRM Officer Roldan Esdicul ng Batanes, sinabi niya na bagamat nagulat at natakot ang ilan nilang kababayan dahil sa pagkakatala ng kauna-unahang COVID-19 case sa lalawigan, tiniyak niya na walang dapat ikabahala ang mga ito dahil kasalukuyan nang naka-isolate ang pasyente.
Matapos ang isinagawang pagpupulong ng Pamahalaang Panlalawigan ay napagkasunduang mas mahigpit ang ipapatupad ng mga health protocol sa buong lalawigan.
Napagkasunduan na rin ang pansamantalang pagpapatigil sa pagpapauwi ng mga LSI, APOR at ROF sa lalawigan, lilimitahan na rin ang paggalaw ng mga tao para sa ams epektibong pagpigil sa paglaganap ng virus sa lalawigan.
Mananatiling sarado ang lahat ng mga tourist destination sa lalawigan maging mga hotel at restaurants gayunman ay sinisikap ng Pamahalaang Panlalawigan na masuportahan ang mga apektadong sektor dahil sa pandemiya.