DAGUPAN CITY – Hindi itinatanggi ng Pangasinan Provincial Health Office na may agam-agam pa ang kanilang tanggapan sa libreng bakuna kontra Japanese encephalitis na ibinibigay ng Department of Health.
Ayon kay Dra. Ana Marie De Guzman, Provincial Health Officer ng lalawigan, kasalukuyan muna nilang kinakausap ang implementors ng nasabing vaccination program upang malaman kung ito nga ba ay ligtas sa publiko.
Mainam na aniya na maging sigurado lalo na at kalusugan ng mga babakunahan ang nakasalalay dito.
Ayon kay De Guzman, maaaring tumanggi ang isang indibidwal lalo na kung ayaw nito ang nasabing vaccination.
Ganoon din aniya ang magiging kaso sa mga estudyante kung saan, kapag walang permiso mula sa magulang, ay hindi nila ito babakunahan.
Samantala, target ng public vaccination program ng DOH na mapababa ang bilang ng mga tinatamaan ng sakit na Japanese encephalitis sa bansa.