CENTRAL Mindanao – Sugatan ang provincial prosecutor ng Maguindanao at dalawang iba pa sa nangyaring pananambang dakong alas 2:10 ng hapon kanina sa Cotabato City.
Nakilala ang mga biktima na sina Atty. Tucod Ronda, provincial prosecutor ng Maguindanao at ang mga kamag-anak nito na sina Abol Taya Ronda at Nestor Ronda, mga residente ng Purveyors Subdivision, Barangay Rosary Heights 11, Cotabato City.
Ayon sa ulat ng pulisya, lulan ang mga biktima sa isang Toyota Grandia na may plakang PN 030105 mula sa Mosque sa Friday congregational prayer papauwi na ng kanilang tahanan ngunit pagsapit nila sa Penafrancia Village, RH 11 ng lungsod ay bigla silang tinambangan ng mga hindi kilalang suspek gamit ang M16 armalite rifles at caliber .45 pistol.
Mabilis namang tumakas ang mga salarin sakay ng kulay puti na Toyota Innova patungo sa liblib na lugar sa siyudad ng Cotabato nang paputukan sila ng mga residente sa lugar.
Nagawa pa ni Abol na patakbuhin ang kanilang sasakyan patungo sa pagamutan.
Nasa maselang kondisyon sina Abol at Nestor na nagtamo ng maraming tama ng bala sa iba’t-ibang parte ng kanilang katawan.
Habang nasa ligtas na ang kalagayan ni Atty. Ronda na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang tagiliran.
Marami ang naniniwala na posibling may kinalaman sa trabaho ni Ronda ang motibo sa pananambang.
Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Cotabato City PNP sa pamumuno ni Col. Portia Manalad.