BAGUIO CITY – Patuloy ang pagpapatupad ng mga ahensiya ng pamahalaan at mga local government units (LGUs) ng mga proyekto at serbisyo sa apat na bayan na na-infiltrate o pinasok ng New People’s Army (NPA) sa lalawigan ng Kalinga sa pamamagitan ng Pumiyaan Anti-Poverty Convergence Project.
Ayon sa Armed Forces of the Philippines (AFP), aabot sa 16 na mga barangay sa apat na bayan at sa Tabuk City, Kalinga ang may impluwensiya ang mga NPA.
Sinabi ng militar, malakas ang impluwensiya ng NPA sa mga bayan ng Balbalan, Pinukpuk, Lubuagan at Pasil kung saan partikular na tinukoy ng AFP ang mga barangay ng Mabaca at Poswoy sa Balbalan at barangay ng Tanglag sa Lubuagan.
Ayon sa Kalinga provincial government, patuloy ang pagpapatupad ng mga infrastracture projects para sa mas maraming economic activities ng mga residente.
Partikular na tinututukan ngayon ng DPWH doon ang paggawa sa circumferential road na gagawing national highway at papangalanang Abra-Kalinga-Apayao Road maliban pa sa mga flood control projects.
Isinailalim naman ng DOST ang mga residente sa Kalinga sa coffee and cacao processing at binigyan din nila ng mga libro ang mga paaralan doon dahil karamihan sa mga estudyante ay mula sa mga NPA-affected barangays.
Nabigyan pa ang mga residente sa ilang bayan ng pondo para sa Tulong Hanapbuhay Para sa Ating Disadvantaged Program ng DOLE habang nagbigay ang BFAR ng tilapia fingerlings ang mga fishpond owners.
Isinailalim din ang mga kababaihan sa mga nasabing bayan sa manicure, pedicure and basic hair cutting habang organic mushroom production naman sa mga kalalakihan.