Matatapos ang P12.2-billion New Centennial Water Source Kaliwa Dam Project sa kalagitnaan ng 2026 at makakapag-supply ng tubig sa mga kabahayan sa Metro Manila at mga kalapit na lugar sa unang bahagi ng 2027, ayon sa Metropolitan Water Sewerage System (MWSS).
Sa pahayag ni Metropolitan Water Sewerage System Administrator Leonor Cleofas, ang China Energy Engineering Corporation na nagsasagawa ng proyekto ay nag-ulat ng kabuuang tagumpay ng proyekto sa 21 porsiyento.
Aniya, kung matutupad ang validation ng settlement ng 46 na pamilya, magsisimula na rin ang naturang dam at sinisikap na makumpleto ito sa taong 2026.
Ang Kaliwa Dam project ay isang 63-meter-high reservoir na magtataglay ng initial discharge capacity na 600 million liters kada araw, na nilalayon para matustusan ang Metro Manila, gayundin ang mga kalapit na lugar na umaasa lamang sa dalawang dam sa Bulacan.
Una na rito, nagsimula ang paghuhukay sa tunnel outlet sa Teresa noong buwan ng Disyembre noong nakaraang taon.