-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Isang proyektong pangkapayapaan ang planong ipatupad ng ACTED Philippines o Agency for Technical Cooperation and Development sa probinsya ng Cotabato matapos ang isinagawang project briefing kasama si Provincial Administrator Aurora Garcia bilang representante ni Governor Emmylou “Lala” Taliño Mendoza.

Ang proyekto ay ang PESTABAB: Peacebuilding and Stabilization in BARMM Boundaries na naglalayong pigilan ang paglala ng mga kaguluhan o hindi pagkakaunawaan sa Special Geographic Area (SGA), Maguindanao at Cotabato provinces sa pamamagitan ng pagpapalakas ng intercultural dialogue, community based peace building at pagbibigay ng kapangyarihan sa mga lokal na awtoridad at sambayanan.

Ayon kay Juhaimen B. Asi, ACTED Project Manager, na makikipag tulungan ang kanilang grupo sa pamamahalaang panlalawigan ng Cotabato sa paghahanap ng mga benepisyaryo na lubos na nangangailangan sa nasabing proyekto.

Nagpaabot naman ng pagsuporta si PA Garcia sa nasabing proyekto na aniya’y malaking tulong upang mapanatili ang kapayapaan sa buong lalawigan.

Nasa nasabing pagpupulong din ang ilang mg kawani ng ACTED Philippines na sina Sarah Mae A. Paguital, Alikhaur Mangaondaua, Aflial Piang mula sa Tiyakap Kalilintad Inc., Board Member Sittie Eljorie Antao Balisi, at mga kawani mula sa Provincial Planning and Development Office.