Hinimok ng Public Relations Society of the Philippines (PRSP) ang mga miyembro nito na sundin ang mga etikal na pamantayan ng kanilang propesyon at kinondena ang paggamit ng pekeng accounts upang magkalat ng maling impormasyon hinggil sa mga pag-aangkin ng Pilipinas sa West Philippine Sea.
Ito ay matapos ipahayag ni Senate Majority Leader Francis Tolentino na ang Chinese Embassy sa Pilipinas ay nag-hire ng isang lokal na kumpanya upang mag-recruit ng mga “keyboard warriors” para magkalat ng disinformation sa social media.
Ayon sa PRSP, ang kanilang tungkulin ay palakasin ang reputasyon ng mga kliyente ngunit hindi ito dapat gawinpara makapinsala sa publiko. Naniniwala sila sa kapangyarihan ng mga salita at kwento upang hubugin ang opinyon ng publiko at kailangang sundin ang mga etikal na pamantayan sa kanilang gawain.
Ipinakita ni Tolentino sa isang Senate hearing ang isang kontrata na nagsasaad ng ugnayan ng Chinese Embassy at ang Makati-based marketing firm na Infinitus Marketing Solutions Inc., na may kinalaman sa 330 pekeng Facebook at X (dating Twitter) accounts na nagkalat umano ng maling impormasyon.
Dahil dito, nag-utos ang Malacañang ng imbestigasyon at nagtawag ang mga mambabatas ng masusing pagsusuri at mga posibleng kaso laban sa mga sangkot.