-- Advertisements --

KALIBO, Aklan — Magsasagawa ng sariling Translacion at prusisyon ng replica ng Itim na Nazareno sa bayan ng New Washington sa lalawigan ng Aklan kasabay ng kapistahan ng Black Nazarene ngayong araw sa Enero 9.

Kaugnay nito, inanyayahan ni Gina Cipriano, presidente ng Black Nazarene Aklan Chapter ang mga deboto na makibahagi, kung saan babasbasan ang mga replika ng imahe ng Black Nazarene na dadalhin ng ilang deboto sa prusisyon.

Kahapon ay inilipat ang imahe ni Sr. Jesus Nazareno mula sa Cawayan Chapel papunta sa Our Lady of the Most Holy Rosary Parish sa naturang bayan na sinundan ng Novena Mass bandang alas-5 ng hapon.

Magsasagawa ng prusisyon ngayong Enero 9 sa paglisan ng imahe ng Black Nazarene sa simbahan.

Bibigyan rin umano ng pagkakataon ang mga deboto para sa Pahalik, kung saan maaari nilang hawakan ang bahagi ng imahe ng Itim na Nazareno.

Dagdag pa ni Cipriano na nakipag-ugnayan sila sa pulisya at lokal na pamahalaan upang masigurong magiging mapayapa ang prusisyon.

Sinasabing ang imahe ni Sr. Jesus Nazareno na pagmamay-ari ng pamilya Pastrana ay nagmula sa Quiapo.