Isinagawa ang prusisyon ng pasasalamat para sa Itim na Nazareno kaninang alas-2:00 ng madaling araw ng Linggo kung saan daan-daan na mga deboto ang nakiisa.
Bago pa man inilabas ang imahe ng Itim na Nazareno sa Quiapo church, isang maikling panalangin ang isinagawa.
Sa paglabas nito, agad nag agawan sa lubid ang mga deboto at nagkatulakan.
Dahil dito ilan sa mga deboto ang naipit at nasugatan, ilan naman ay hinimatay dahil sa kapal ng tao na sumama sa prusisyon.
Agad namang binigyan ng first-aid treatment ang mga nasugatan at nahimatay.
Inilibot ang Nazareno sa mga kalsada at tinatayang aabot ng 10 hanggang 12 oras ang prusisyon.
Mabagal ang takbo ng andas dahil sa dami ng mga tao.
Ang thanksgiving procession ay ang simula ng pagdiriwang ng Traslacion ng Poong Itim na Nazareno na isasagawa sa January 9 at taun-taong dinarayo ng milyun-milyong deboto.