-- Advertisements --

Aminado ang Philippine Statistics Authority (PSA) na hindi sapat para mapunan ang kinakailangang nutrisyon kada araw ng kanilang itinakdang threshold para hindi maituring na food poor ang isang indibidwal.

Ito ay kasunod ng iniulat ng NEDA sa Senate hearing na hindi maikokonsiderang food poor kung ang isang indibidwal ay may P64 kada araw na budget para sa pagkain o katumbas ng P9,581 na buwanang budget sa pagkain ng isang pamilyang binubuo ng 5 miyembro.

Paliwanag ni National Statistician Claire Dennis Mapa na ibinase ang naturang threshold para sa pagkain mula sa sample food bundles na inihanda ng mga nutritionist na sumasaklaw sa pagkain sa breakfast, lunch, dinner at snack na nagbibigay ng pangunahing kailangang nutrisyon.

Kung saan base sa per capita food threshold data mula sa PSA, ang sample food bundle ay maaaring makapagbigay ng 100% energy, 123% protein , 119% calcium, 80% iron, 131% Vitamin A, 88% Thiamin, 80% Riboflavin, 249% niacin, at 106% Vitamin C.

Sa ngayon, ayon sa PSA chief, pinag-aaralan na ng ahensiya ang methodology para sa pagbuo ng updated na food poverty threshold na akma sa mga pagbabago sa mga gastusin ng pamilya, income at inflation.

Top