Muling nagbabala ang pamunuan ng Philippine Statistics Authority laban sa mga indibidwal na mag-iimprenta ng digital National ID sa plastic cards dahil sa kawalan ng physical national ID.
Ayon sa ahensya, wala silang abiso hinggil sa pagbibigay nila ng pahintulot na gawin ito.
Anumang digital national ID na inimprenta sa plastic cards para sa pansariling gamit ay hindi tatanggapin sa anumang transaksyong gagawin.
Giit ng PSA, sila lamang ang may authorization na mag-imprenta ng physical National ID Card.
Samantala, parusang tatlo hanggang anim na taon ang maaaring kahaharapin ng sinumang mapapatunayang indibidwal o grupo na kabilang sa hindi awtorisadong pag-iimprenta ng digital national ID.
Bukod dito ay pagmumultahin rin sila ng isang milyon hanggang tatlong milyong piso batay na rin sa umiiral na Republic Act No. 11055 o Philippine Identification System Act.
Maaari namang ma download ng publiko ang kanilang digital National ID sa pamamagitan ng pagbisita sa website na https://national-id.gov.ph.