Lumalabas sa report ng naturang opisina na gumamit ang Pilipinas ng kabuuang P663.66 billion noong 2021 bilang tugon sa mga naranasang kalamidad habang P315.89 billion lamang ang nagamit noong 2022.
Ito ay katumbas ng 52% na pagbaba ng nagastos na pondo.
Ayon pa sa PSA, ang mababang pondo na nagamit noong 2022 ay ang pinakamababang pondo nang nagamit ng bansa mula noong 2016.
Mula 2016 kasi ay naitala ang upward o papataas na trend ng paggasta sa ilalim ng disaster risk reduction campaign ng Pilipinas.
Batay sa nagamit na pondo ng pamahalaan noong 2022 sa ilalim ng pagtugon sa mga kalamidad, ang pinakamalaking bahagi nito ay nailaan sa disaster mitigation na may kabuuang P107.97 billion.
Umabot naman sa P77.98 billion ang nagamit sa disaster prevention, habang P75.65 billion ang nagamit sa ilalim ng disaster management.
Sa ilalim naman ng disaster recovery, gumamit ang pamahalaan ng P54.29 billion.
Ang pondo sa ilalim ng disaster recovery ang siyang pinakamababang pondo na inilaan ng pamahalaan, kung ikukumpara sa iba’t-ibang yugto ng disaster risk reduction management ng bansa noong 2022.