Pinaplano ngayon ng Philippine Statistics Authority na magpatupad ng mas mahigpit na polisiya sa pagpoproseso sa mga late birth registration.
Ito ang inihayag ng naturang kagawaran kasunod ng kuwestiyonableng pagkatao at Birth certificate ng kontrobersyal na mayor ng Bamban Tarlac na si Alice Guo na kasalukuyang isinasailalim ngayon sa kaukulang pagdinig sa Senado nang dahil sa umano’y kaugnayan nito sa ilegal na Philippine Offshore Gaming Operator hub.
Batay sa datos na inilabas ng ahensya, noong taong 2022 ay aabot sa 1.3 million na mga birth certificate ang naiparehistro Sa tamang panahon, habang nasa 127, 919 naman ang pawang mga delayed registrants o nakapagparehistro lamang pagkatapos ng 30 araw mula sa pagkasilang.
Ngunit bukod dito ay Inihayag din ng naturang kagawaran na batay din sa kanilang datos, mula noon taong 2020 ay pumapalo sa 3.7 million na mga Pilipino ang walang mga birth certificate nang dahil Sa iba’t-ibang mga rason.
Dahil dito ay sinabi ng PSA sa isang pahayag na sa susunod na mga araw ay maglalabas ito ng supplemental guidelines para sa mga delayed birth registration.
Samantala, kabilang sa mga hinihinging requirements sa ngayon para sa pagpoproseso ng late registration ng birth certificate ay kinabibilangan ng marriage certificate of parents, certification ng paggamit ng apelyido ng ama, baptism certificate, school record, voter’s certification, medical records, at Barangay certification.