Inanunsyo ng Philippine Statistics Authority (PSA) na iuurong na sa buwan ng Oktubre ang schedule ng malawakang registration para sa national ID system.
Ayon kay PSA Deputy National Statistician Asec. Lourdines Dela Cruz, sa Hulyo na sana sisimulan ang mass registration ngunit kanila itong ipinagpaliban dahil sa coronavirus crisis.
Nasa 10-milyong heads of households din aniya ang target sa malawakang registration para maihanay ang layunin ng national ID system sa pangangailangan ng bansa sa gitna ng COVID-19 situation.
Tiniyak din ng ahensya na bibigyang prayoridad ang mga mahihirap at nasa marginalized sector para makabuo ng isang malinis na database na maaaring gamitin para sa distribusyon ng ayuda ng pamahalaan.
Upang ma-promote din ang social distancing, bubuksan din aniya ng PSA ang online pre-registration system.
Maglulunsad din umano ang PSA ng mobile registration sa mga lokal na komunidad para naman sa mga walang access sa Internet.