Nakipagtulungan na ang Philippine Statistics Authority (PSA) sa National Bureau of Investigation (NBI) matapos na ireport ng NBI na may 200 Chinese nationals na nakakuha ng pekeng birth certificates sa Davao del Sur.
Sa isang pahayag noong Linggo, sinabi ng PSA na nagsagawa na sila ng verification at nagbigay ng kinakailangang impormasyon ukol sa birth records na kasalukuyang iniimbestigahan ng NBI, habang ang civil registrar na konektado sa isyu ay pinatalsik na umano sa kanyang pwesto.
Binigyang-diin ng PSA na ang mga rehistradong birth records ay nagmula sa Local Civil Registry Office ng Sta. Cruz, Davao del Sur.
Kasabay nito, binigyang diin ng PSA na kanilang tinutugis at tinututokan ang nasabing isyu at hinihimok ang publiko na mag-ulat ng anumang aktibidad na may kinalaman sa pag-peke ng mga dokumento.
Matatandaan na isang Chinese national ang naaresto nitong nakaraang Martes habang nagtatangkang kumuha ng Philippine passport gamit ang pekeng birth certificate.