Nalulungkot ang Malacañang na nasa 3.8 milyong Pilipino pa ang walang trabaho.
Batay sa report ng Philippine Statistics Authority (PSA), 3.8 milyon ang walang trabaho noong Oktubre pero mas mababa sa 4.6 milyon na naitala noong Hulyo.
Sinabi ni Presidential Spokesman Harry Roque, bagama’t bumaba na ang bilang, nakalulungkot pa rin ang balita dahil marami pa sa mga Pilipino ang walang hanapbuhay.
Ayon kay Sec. Roque, ito ang dahilan kaya ginawang advocacy na buksan ang turismo sa gitna ng COVID-19 pandemic.
Inihayag ni Sec. Roque na kailangan nang buhayin ang ekonomiya para makapaghanap-buhay ang mga Pilipino basta ingatan lamang ang buhay.
Halimbawa umano ang laging pagsusuot ng face mask, face shield, paghuhugas ng kamay at physical distancing.
“Totoo po iyan na kaya po bahagyang bumaba ang numero ng mga walang trabaho ay dahil unti-unti po tayong nagbubukas. Sabi nga po ni Presidente, kaya naman po nating buksan ang ekonomiya basta pag-ingatan ang ating mga buhay para tayong lahat ay makapaghanapbuhay,” ani Sec. Roque.