Tiniyak ng Philippine Statistics Authority (PSA) na patuloy ang kanilang pag-iisyu ng National IDs sa kabila pa ng termination ng kontrata sa supplier.
Sa isang statement, sinabi ng PSA na gumagawa na sila ng kaukulang hakbang para sa pagpapatuloy ng pag-iisyu ng national IDs.
Siniguro din ng ahensiya ang kanilang hindi natitinag na commitment sa paghahatid ng ligtas at maaasahang national ID system para matiyak na makakatanggap ang bawat rehistradong indibidwal ng kanilang National ID.
Pinayuhan din ng state-run agency ang publiko na gamitin ang digital format ng national ID na maaaring ma-download sa website na maaaring magamit habang wala pa ang physical ID.
Nauna na ngang tinerminate ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang kontrata sa AllCard Inc., ang supplier sa ilalim ng Philippine Identification Sytem ng gobyerno dahil sa kabiguang maisagawa ang mga obligasyon nito gaya ng napagkasunduan na nagdulot ng pagkaantala sa produksiyon at pagpapadala ng national ID cards.