Inendorso ng Private Sector Advisory Council (PSAC) sa Administrasyong Marcos ang ilang mga batas para mapalakas ang depensa ng bansa laban sa banta ng cybercrimes at mapalakas pa ang digital infrastructure sa bansa.
Kabilang sa mga nais ng konseho na maging ganap na batas ay ang Senate Bill (SB) No. 1365 o mas kilala bilang Cybersecurity Act, at ang SB 2039 o Anti-Mule Act.
Ayon kay PSAC lead convenor Sabin Aboitiz, nilalaman ng dalawang nabanggit na panukalang batas ang sapat at potensyal upang matugunan ang mga cybercrimes sa bansa.
Malaki din aniya ang potensyal ng mga nasabing panukala upang mapatatag ang legal framework ng cybersecurity sa bansa, at malabanan ang talamak na financial cybercrimes.
Apela ng grupo sa Administrasyong Marcos na gawin ang mga ito bilang priority legislation upang agad nang maipasa bilang batas.
Ayon sa grupo, kailangan nang mapatatag ang cybersecurity sa bansa, at matugunan ang patuloy na dumadaming bilang ng mga cybercrimes.