Nakatakda umanong makipagpulong si Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez kay Pangulong Rodrigo Duterte sa Malacañang ngayong linggo.
Gayunman, hindi na nagbigay pa ng karagdagang mga detalye si Ramirez tungkol sa maaaring mga talakayin sa nasabing pulong.
Una nang sinabi ni Pangulong Duterte na nais niyang i-take over ng gobyerno ang paghahanda para sa hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games.
Nakarating kasi sa Pangulo ang umano’y katiwalian na nangyayari sa Philippine South East Asian Games Organizing Committee, na pinamumunuan ni Taguig City Rep. Alan Peter Cayetano.
Ayon kay Presidential Spokesman Salvador Panelo, alam ni Pangulong Duterte na may korupsyon kung pribadong foundation ang hahawak nito.
“He (Duterte) said that he doesn’t want the foundation, gusto niya gobyerno. Sabi niya maraming korapsyon diyan sa private kaya nasisira yung mga diskarte ng andiyan, kaya gusto niya gobyerno,” wika ni Panelo.
Nilinaw naman ni Sec. Panelo na pinagkakatiwalaan pa rin ni Pangulong Duterte si Cayetano at naniniwala itong hindi siya kasama sa korupsyon.