Nanindigan si Philippine Sports Commission (PSC) chairman William “Butch” Ramirez na tuloy na tuloy pa rin ang hosting ng bansa sa 2019 Southeast Asian (SEA) Games sa kabila ng sangkaterbang mga problema.
“I would like to inform the Southeast Asian Federation and all our Filipino people and the Filipino sporting world that the order of the President no matter what, it’s of national interest to proceed with the November 30 Southeast Asian Games,” wika ni Ramirez sa isanig press briefing nitong Huwebes.
Sinabi ni Ramirez na inatasan daw siya ni Pangulong Rodrigo Duterte na panatilihing naka-focus ang mga atleta sa kanilang paghahanda para sa biennial meet.
Isiniwalat din ng PSC chairman na batid umano ni Pangulong Duterte ang kaguluhan sa liderato ng Philippine Olympic Committee (POC) na maaari umanong magdala ng malaking banta sa hosting ng Pilipinas ng SEA Games na idaraos apat na buwan mula ngayon.
“He (Duterte) insisted that we expend our energies towards our athletes’ preparation for the Games, and that the issues of the Philippine Olympic Committee to be solved within their ranks,” ani Ramirez.
Nitong Martes nang biglaang magbitiw sa kanyang tungkulin si Ricky Vargas bilang POC president, na hinalilihan ni first vice president Joey Romasanta.
Subalit nais namang magpatawag ni POC chairman Abraham “Bambol” Tolentino ng isang special elections dahil sa hindi umano qualified si Romasanta na maging pangulo.
Sa kabila nito, ayon kay ramirez, tuloy-tuloy pa rin ang pakikipag-usap ng PSC sa mga national sports associations (NSA) ukol sa kani-kanilang mga preparasyon sa SEA Games.
“There are already 10 NSAs that submitted their final listings for the SEA Games. This is a very good sign,” pahayag ni Ramirez.