CEBU CITY – Tatlo na araw bago magtungo sa Olympic village sa Paris, puspusan na ngayon ang ginawang paghahanda ng Cebuano weightlifters na sina Elreen Ando at John Febuar Ceniza sa Saarbrucken, Germany.
Nakatakdang lumaban si Ceniza sa men’s 61-kilogram weight category sa Agosto 8, oras sa Pilipinas, habang si Ando, na isang two-time Olympian, ay sasabak sa 59-kilogram category sa Agosto 9, oras sa Pilipinas.
Inihayag ni dating national weightlifting coach Gary Hortelano, proud pa ito sa narating ng dalawa dahil ang mga ito’y sinanay lamang sa Cebu ng mga lokal na coach at hindi sa labas ng bansa o maging sa Maynila.
Ayon kay Hortelano, siya ang nakadiskubre kay Ando at nagsimula pa ito ng basic training noong 12 anyos pa lamang ito.
Sinabi pa niya na maganda umano sa Cebu dahil may sapat na resources at nakahanda ring tumulong ang lokal na pamahalaan sa usaping pinansyal.
Tiniyak naman nitong lagi pa rin silang nakasuporta anuman ang magiging resulta ng laban ng dalawa.
Samantala, nagdala na umano ng karangalan sa bansa ang mga atletang nakapasok sa Paris Olympics ayon kay Philippine Sports Commission Consultant/Coordinator Bernardino Ricablanca, Jr.
Mensahe pa nito sa mga atletang Pinoy na may mga laban pa na i-execute itong mabuti para na rin sa kaligtasan ng mga ito.