Inanunsiyo ngayon ng Philippine Sports Commission (PSC) na inaprubahan na nila ang pagbibigay ng special incentives na cash na umaabot sa P750,000 para Pinoy gymnast na si Carlos Edriel Yulo.
Ito ay makaraang manalo siya ng dalawang medalya sa prestihiyosong 2021 World Artistic Gymnastics Championships sa Japan.
Una nang nasungkit ni Yulo ang gold sa vault event habang silver medal naman sa parallel bars.
Ayon kay PSC Chairman William “Butch” Ramirez ang matatanggap nito na P500,000 ay para sa gold medal habang ang additional P250,000 ay para naman sa silver.
Nagpaliwanag si Ramirez na batay sa kondisyones ng Republic Act No. 10699 o National Athletes and Coaches Benefits and Incentives Act ay hindi sakop nito ang taunang kompetisyon sa gymnastics.
Gayunman kinikilala raw ng PSC ang malaking tagumpay at kahalagahan nang nagawa ni Yulo kaya inaprubahan nila ang insentibo nito.
Kinilala naman ni Ramirez ang ginawang pagbangon ni Yulo mula sa kanyang kabiguan sa Tokyo Olympics, kung saan nagpapakita lamang ito na siya ay tunay na world champion.
Sinabi pa ng PSC chief, karapat dapat lamang ang cash reward para kay Yulo dahil ito ay isang inspirasyon ng mga kabataan at sa mga Pinoy athletes.