Ipinag-utos na ni Philippine Sports Commission (PSC) chairman William Ramirez sa lahat ng mga national athletes at miyembro ng juniors team na umalis na muna sa kanilang mga dormitoryo sa Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at Philsports Complex sa lungsod ng Pasig sa gitna na rin ng tumataas na bilang ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19).
Ayon kay Ramirez, hiniling nito sa lahat ng mga atleta na umuwi na muna sa kani-kanilang mga tahanan bilang bahagi ng ipinapatupad na preventive measures ng PSC kontra sa COVID-19.
Sa ngayon, inilagay na sa “restricted access” ang Rizal atd Philsports complex para sa kapakanan ng mga atleta, empleyado ng PSC, at ng publiko.
Tanging ang mga nagsasanay lamang para sa mga Olympic qualifying competitions ang papahintulutang manatili sa mga dormitoryo.
“We have to be pro-active in this situation and take these hard decisions for the safety of our athletes and employees,” ani Ramirez.
Una na ring ipinagpaliban ng PSC ang pagbiyahe ng mga atleta at mga coaches patungo sa labas ng bansa mula Marso 14 hanggang Abril 15.
Habang ang mga lalahok sa Olympic qualifying events ay kailangan munang kumuha ng endorsement letter mula kay chef de mission Mariano “Nonong” Araneta.