Hinikayat ng Philippine Sports Commission (PSC) ang iba’t ibang national sports associations (NSAs) na gamitin ang digital platforms sa pagdaraos ng mga torneo at training.
Kasunod ito ng pagsuspinde ng PSC sa lahat ng sports activities ngayong taon dahil sa coronavirus crisis.
“At the moment, the position of the (PSC) board emanating from the IATF (Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases) and DoH (Department of Health) is we have no activities until December. So, we encourage and we are happy that some of the NSAs and organizations are going digital in doing their activities,” wika ni PSC chairman William “Butch” Ramirez.
Kamakailan lang nang ilunsad ng Philippine Taekwondo Association (PTA) ang kanilang unang Online National Taekwondo Poomsae Championships, at nagsasagwa rin ang asosasyon ng online classes para sa players sa iba’t ibang ranks.
Hindi rin nagpahuli ang Karate Pilipinas Sports Federation na nagsagawa rin ng international virtual seminar sa pangunguna ni national team head coach Okay Arpa.
Magkakaroon din ang pederasyon ng sariling online kumite sparring seminar na pangungunahan ni Arpa, SEA Games bronze medalist Joane Orbon at Turkish champion Serap Ozcelik Arapoglu.
Kaugnay nito, ipinagmalaki ni Philippine fencing coach Rolando Canlas ang kanilang online training para sa national team habang lumalahok din ang Pinoy squads sa practice sessions online.
Maging sina SEA Games wushu gold medalist Agatha Wong, karateka Jamie Lim at Junna Tsukii ay nagsasagawa din ng online seminars na magsisilbing fund raising drives para sa mga naapektuhan ng pandemic.
Nagpaalala naman si Ramirez sa mga NSAs at ibang mga organisasyon na sumunod sa health protocols sa kanilang online activities.
“We are encouraging them to do that but still we have to be careful about the virus infection,” anang sports official.