-- Advertisements --

Siniguro ng Philippine Sports Commission (PSC) kay Pinay weightlifter Hidilyn Diaz na wala itong magiging problema sa pondo ng kanyang pagsasanay para sa 2020 Olympics.

Ayon kay PSC Chairman at Team Philippines Chef de Mission William “Butch” Ramirez, sagot ng gobyerno ang kanyang training para sa Olimpiyada sa Tokyo, Japan.

Malaki rin umano ang bilib ni Ramirez kay Hidilyn, na tiyak daw na makakasungkit ng gold medal sa Olympics, at sa papalapit nang 2019 Southeast Asian Games.

Kamakailan nang dumagit ng dalawang bronze medals si Diaz sa katatapos lamang na IWF World Weightlifting Championships.

Batay sa ulat, kailangan pang sumabak ni Diaz sa tatlong mga kompetisyon upang makakuha ng puwesto sa Olympics.

Sa panig naman ni Diaz, tutok siya ngayon sa kanyang misyon na makamtan ang inaasam-asam na Olympic gold.

“I would like to thank the PSC and other sponsors for their continuous support to my campaign. Now, I will continue on my mission to qualify and win gold in Tokyo, and also represent the country for the SEA Games,” wika ni Diaz.