Target ng Philippine Sports Commission (PSC) na makapagtayo ng mas marami pang sports facilities sa Pilipinas sa mga susunod pang taon.
Kabilang din dito ang pag-aayos at renovation sa ilang mga kasalukuyang pasilidad, dormitoryo para sa mga atleta, at iba pang magagamit ng mga ito sa kanilang pagsasanay.
Ayon kay PSC chair Richard Bachmann, nakapaloob sa kanilang binuong comprehensive infrastructure program ang pagtatag at pagsasa-ayos sa ilang mga pasilidad para sa ilang mga pangunahing sports sa Pilipinas tulad ng boxing at iba pang contact sports.
Inihalimbawa ni Bachmann ang pagbabago sa lumang boxing at pencak silat facilities ng PSC na nasa loob ng Rizal Memorial Sports Complex at ginawa ito bilang isang 7-storey building.
Maliban sa naturang pasilidad aniya, nakahanay ang iba pang mga proyekto ngayong taon hanggang sa mga susunod na taon, salig na rin sa pondong inilaan ng pamahalaan.
Ayon kay Bachmann, kasabay ng pagtutok sa kalusugan at kapakanan ng mga magagaling na atleta ng bansa ay ang pangangailangang maibigay din sa kanila ang maayos at akmang pasilidad na magagamit nila sa ilang serye ng kanilang pagsasanay.