VIGAN CITY – Umaasa ang Philippine Sports Commission na magagawan pa ng paraan ng Commission on Elections upang makaboto ang mga atleta at coaches na makikilahok sa Southeast Asian Games na gaganapin sa Hanoi, Vietnam.
Nauna nang nagpatupad at nag-abiso ang COMELEC sa PSC na ang mga national athletes na lalahok sa SEA Games sa May 12 hanggang 23 ay hindi kasama sa Local Absentee Voting.
Sa panayam ng Bombo Radyo Vigan kay PSC Commissioner Ramon Fernandez, nagpatulong na umano sila sa kongreso at senado nang sa ganon ay tyansa pa ring makaboto ang mahigit-kumulang isang libong atleta na kalahok sa nasabing palaro.
Aniya, May 12 magsisimula ang palaro sa SEA Games ngunit kinakailangan naman umano ang mas maagang pagpunta ng mga atleta at coaches sa venue para hindi maantala ang kanilang pag-eensayo at upang makapag-adjust sila sa nasabing bansa.
Gayunman, nakatakda namang magpulong si Philippine Olympic Committee President Bambol Tolentino at ni Commissioner Fernandez kung ano ang diskarteng maaari nilang gawin.