Naniniwala si Sen. Ronald “Bato” dela Rosa na dapat ay magpasalamat pa ang publiko sa mga miyembro ng Presidential Security Group na tinurukan ng bakuna laban sa COVID-19, kahit hindi pa otorisado ng Food and Drug Administration (FDA).
Ayon kay Dela Rosa, isinugal umano ng mga tauhan ng PSG ang kanilang buhay bilang mga “guinea pigs” sa pamamagitan ng pagpapabakuna para maprotektahan si Pangulong Rodrigo Duterte laban sa coronavirus.
“Walang nasa isip nila kung paano maprotektahan ang Pangulo,” wika ni Dela Rosa sa isang panayam.
Kung maaalala, naging kontrobersyal ang pagpapaturok ng piling mga kasapi ng PSG dahil hindi pa aprubado ng FPA ang ginamit na bakuna.
Sang-ayon sa umiiral na patakaran, ipinagbabawal ang pag-import, distribusyon, at paggamit ng hindi pa rehistradong gamot.
Pero tingin ng senador, walang nilabag na batas ang PSG.
“Personal na desisyon mo na iyan kung ano’ng gawin mo sa buhay mo, lalo’t wala pa tayong gamot sa COVID-19 at iyong bakuna ay hindi pa institutionalized. Wala namang batas na bawal kayong magpabakuna,” anang mambabatas.