Naninindigan pa rin si PSupt. Maria Cristina Nobleza na trabaho lamang ang kaniyang ginagawa matapos mahuli sa isang checkpoint noong Sabado sa Bohol kasama ang kaniyang boyfriend na bandidong Abu Sayyaf na si Rennour Lou Dongon.
Ayon kay PNP region 7 regional police director, CSupt. Nolie Talino, batay sa kanilang inisyal na imbestigasyon kay Nobleza, iginiit ng police official na trabaho lamang ang kaniyang ginagawa pero wala namang maiprisinta na coplan o operation plan si Nobleza sa mga pulis.
Paliwanag ni Nobleza na ang presensiya niya sa Bohol ay para magbakasyon, pero sa kalaunan kaniyang inamin na tangka nilang irescue ang isang Saad na miyembro ng Abu Sayyaf na sugatan sa enkwentro sa Clarin, Bohol.
Sinabi ni Talino na pansamantalang ikukulong muna sina Nobleza at Dongon sa Kampo Crame habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
Kinumpirma din ni Talino na kasama rin sa iimbestigahan ngayon ng PNP ang dating asawa ni Supt. Maria Cristina Nobleza na si SSupt. Alan Nobleza na kasalukuyang police attache sa Pakistan at miyembro ng PNPA class 1991.
Sinabi ni Talino na 2010 pa umano annulled ang kasal ni Nobleza pero patuloy pa rin nitong ginagamit ang apelyido ng asawa.
Napag-alaman na nagpakasal din sa Muslim rite sina Nobleza at Dongon kaya nagbalik Islam ang police colonel.
Aminado si Talino na ang pagkaka-aresto kay Nobleza ay tsamba lamang, pero ang importante kanila itong nahuli.