CEBU CITY – Umaasa ang Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) na may mangyayaring “conviction” sa Maguindanao massace case kung saan isang dekada ng sumisigaw ng hustisya ang pamilya ng 58 biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo kay PTFoMS Usec. Joel Sy Egco, sinabi nitong natapos na ang trial at tanging promulgation na lang ang hinihintay ng lahat na una ng ini-extend.
Ayon kay Egco na umaasa ito na wala pang Christmas break ay maglalabas na ng desisyon ang korte sa 10 taon na kasong ito.
Kung maalala, una nang naghayag ang nasabing opisyal na bababa ito sa pwesto kung walang pamilya na principal na suspek ang mahahatulang guilty.
Nilinaw rin nitong ayaw niyang pangunahan ang desisyon ng korte ngunit giit nitong wala ring hustisyang makakamit kung walang mahahatulang guilty at mapapawalang sala lang ang principal suspect sa nasabing karumal-dumal na krimen.
Nagpasalamat din si Usec. Egco sa 192 mga witness na tinawag nitong tunay na mga bayani, pamilya ng biktima na kahit sa isang dekada ay hindi bumitaw sa kaso at patuloy na nakikipaglaban, gayundin naman sa mga prosecutor ng naturang kaso.