Inalala ng Presidential Task Force on Media Security (PTFoMS) ang ika-15 taong anibersaryo ng Maguindanao massacre ngayong araw ng Sabado, Nobiyembre 23.
Sa isang statement, sinabi ni PTFoMS executive director Undersecretary Jose Torres Jr. na sa madilim na araw na ito sa kasaysayan ng Pilipinas, natunghayan ang brutal na pagpatay sa 58 katao kabilang ang 32 media workers. Kayat sa araw na ito, muling inaalala ang mga biktima ng malagim na trahediya, bigyang pugay ang kanilang ala-ala at muling pagtibayin ang hindi natitinag na pangako para protektahan ang buhay at kalayaan ng mga mamamahayag sa bansa.
Ang naturang masaker aniya ay isa sa deadliest attack sa mga mamamahayag sa buong mundo na nagsisilbing maigting na paalala sa panganib na kinakaharap ng media workers sa paghahanap ng katotohanan at pananagutan. Binibigyan diin din nito ang agarang pangangailangan para sa patuloy na pagbabantay at aksiyon para matiyak na hindi na maulit pa ang trahediya.
Sinabi din ni USec. Torres na nananatiling committed ang Marcos administration sa pagbibigay ng ligtas na environment para sa media workers.
Matatandaan, noong Nov. 23, 2009, naganap ang malagim na trahediya sa Ampatuan, Maguindanao kung saan pinagbabaril ng gunmen ang 58 katao kabilang ang mga mamamahayag at media workers na nakasaksi sa paghahain ng certificate of candidacy ni dating Buluan Vice Mayor Esmael Mangudadatu para sa 2010 gubernatorial elections.