LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng pamunuan ng Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na may anim hanggang pitong persons of interests nang iniimbestigahan sa pagpatay sa dating mediaman na si Joebert Bercasio sa Sorsogon.
Kung babalikan, pinagbabaril ng riding in-tandem si Bercasio noong Setyembre ng nakaraang taon.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PTFoMS Executive Director Usec. Joel Sy-Egco, lahat ng kabilang sa sinasabing POIs ay kilala umanong pulitiko na binanatan ni Bercasio, hindi lang sa privately-run internet news outlet, kundi maging sa sariling social media accounts nito.
Hindi naman pinangalanan pa ni Egco ang mga ito subalit tiniyak ang pagtutok sa imbestigasyon katulong ang pulisya sa rehiyon habang bukas rin na papasukin ang NBI kung sakali.
Kahit nasa proseso pa ng pagkilala sa mga suspek ang kaso at nasa case build-up pa lang, naniniwala si Egco na maaaring nasa malapit lamang ang suspek.
Maliban sa malakas na ebidensya, nangangailangan rin ng credible witness ang naturang kaso.