Inilagay na sa heightened-alert ng Presidential Task Force on Media Security ang alarma nito hinggil sa mga napapaulat na pagbabanta sa mga miyembro ng media o partikular sa mga mamamahayag.
Kasunod ito ng mga naitatalang kaso ng karahasan kamakailan bunsod ng papalapit na eleksyon sa susunod na buwan, ngayong darating na Mayo.
Sa isang forum dito sa lungsod ng Quezon, ibinahagi mismo ni Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr. ng Presidential Task Force on Media Security na sila’y nakaalerto na upang tiyakin at seguraduhin ang kaligtasan ng mga mamamahayag.
Sapagkat aniya’y mayroon pang mga bagong kaso nitong nakaraan ang kanilang natanggap na may pagbabanta umano sa buhay ng mga mamamahayag.
Kaya naman upang mas maseguro na kanilang lubusang matugunan ang mga ganitong uri ng insidente o pananakot sa malaya at ligtas na pamamahayag, tiniyak ni Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr. na sila’y nakikipag-ugnayan na sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation.
“Ang Presidential Task Force on Media Security ay on alert these weeks especially ahead of the midterm elections dahil alam niyo naman po itong mga nakalipas na linggo lamang, mayroon tayong mga kasamahan sa media, isa sa Northern Luzon nakatanggap ng threat mula sa isang kandidato dahil sa kanyang reportting,” ani Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr. ng Presidential Task Force on Media Security.
Samantala ibinahagi pa ng naturang executive director undersecretary na sa kasalukuyang taon ay mayroon silang mga natanggap o naitalang sampu (10) na reklamo dahil sa umano’y banta ng seguridad sa mga mamamahayag.
Ngunit aniya’y magkasama na rito ang kanilang mga inisytibong imbestigasyon dahil giit niya na minsan ay hindi idinudulog sa kanila ng ilang mga biktima ang mga hinaing nito.
Kaya naman bunsod nito ay inihayag pa niya ang paghimok sa mga mamamahayag na kanilang ibahagi ang reklamo sa tanggapan ng Presidential Task Force on Media Security nang sa gayon ay kanila rin itong maaksyunan.
“Nitong taon meron na tayong more or less mga sampu siguro. Kasama na rin yung ano natin doon yung mga we initiated yung sarili nating imbestigasyon kasi minsan may mga atake sa media o pagbabanta na yung media mismo hindi nagre-report sa amin. So kami na rin yung pro-active na pumupunta sa kanila at ine-encourage yung kanilang pag-file ng case at ano pa man,” ani pa Executive Director Undersecretary Jose Torres Jr. ng Presidential Task Force on Media Security.