-- Advertisements --

Nakataas ang alerto ng Presidential Task force on Media Security (PTFoMS) para protektahan ang mga mamamahayag laban sa mga banta at karahasan sa panahon ng halalan.

Sa isang pulong balitaan ngayong Sabado, Abril 26, inihayag ni PTFoMS executive director USec. Jose Torres Jr. na nakaalerto ang task force ilang linggo na lamang bago ang 2025 midterm elections.

Ayon kay Torres, may isang reporter sa Northern Luzon ang nakatanggap ng banta mula sa isang kandidato sa pagka-kongresista na si La Paz, Abra Mayor Joseph Bernos sa pamamagitan ng online at video call noong Aril 21 dahil sa kaniyang iniulat.

Kaugnay nito, kasalukuyan na aniya silang nakikipagtulungan sa Philippine National Police (PNP) at National Bureau of Investigation (NBI) sa gitna ng imbestigasyon kaugnay sa napaulat na banta sa naturang reporter.

Inaalam na aniya ang dahilan kung bakit nangyari ang naturang insidente.

Biniberipika na rin ang mga alegasyon laban sa reporter at pinaga-aralan ang concerns nito sa seguridad.

Samantala, itinuturing naman ng task force na isang seryosong banta sa kalayaan sa pamamahayag ang hiwalay na insidente sa Talisay City sa Negros Occidental kung saan pinaulanan ng bala ang bahay ng dating Negros Press Club president at radio blocktimer na si Reynaldo Siason ng hindi pa natutukoy na suspek noong Abril 20. Sa kabutihang palad, walang nasugatan sa naturang insidente.

Umapela naman si Torres sa lahat ng election candidates na igalang ang press freedom at hayaan ang mga mamamahayag na gawin ang kanilang trabaho nang walang pananakot o karahasan.