LEGAZPI CITY – Kumpiyansa ang Presidential Task Force on Media Security (PTFOMS) na magtutuloy-tuloy na ang pagsasabatas ng Media Workers’ Welfare Act matapos na aprubahan na sa Kamara.
Lusot na sa Mababang Kapulungan ang House Bill No. 8140 sa unanimous vote na 218-0-0.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PTFOMS Executive Director Usec. Joel Sy-Egco, nagpapasalamat ito sa mga kongresista at media organizations na sumuporta sa panukalang batas.
Umaasa naman si Egco na maging mabilis rin ang aksyon sa Senado lalo pa’t mismong si Senate President Vicente Sotto III ang principal author ng counterpart bill.
Isa umano ito sa mga maipagmamalaking landmark measures ng kasalukuyang administrasyon.
Sa muli, binigyang-diin ni Egco na sumesentro ang panukalang batas sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga mamamahayag at economic security.