ILOILO CITY – Higit kalahati sa mga eskwelahan sa England ang apektado sa isinasagawang coordinated strikes ng mga guro na humihingi ng dagdag sahod at benepisyo sa gitna ng sumisirit na inflation at cost-of-living crisis.
Sa nagdaang Walkout Wednesday o ang tinaguriang “largest coordinated strike action” sa United Kingdom sa loob na ng halos isang dekada, 300,000 sa 500,000 na lumahok sa strike action ay mula sa education sector.
Maliban sa British teachers at university lecturers, nag-walk out rin ang civil servants at train drivers dahil sa kulang na sweldo sa gitna ng tuloy-tuloy na pagbilis ng inflation sa bansa.
Ayon kay Bombo Ramil Isogon, international correspondent sa United Kingdom, may mga paaralan na bukas pa ngunit restricted ang attendance ng mga mag-aaral habang may mga eskwelahan rin na fully closed.
Nagbabala rin ang Public and Commercial Service union sa United Kingdom na itutuloy pa ang coordinated strikes kapag hindi sinasagot ng gobyerno ang kanilang demand na above-inflation pay.
Sa susunod na Linggo, sasama na rin sa mass walk-out ang mga myembro ng mga union ng nurses at ambulance workers.
Huling naganap ang ganitong scale ng mass walkouts sa United Kingdom noong 2011 noong nag-stage ng one-day strike ang 1 million public sector workers dahil sa dispute sa pensions.